LEGAZPI CITY- Nilinaw ng isang mambabatas na sapat ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. kahit pa wala itong matatanggap na asistensya mula sa pamahalaan sa taong 2025.

Matatandaan na naging kontrobersyal kasi ang pasya ng dalawang sanga ng pamahalaan na huwag bigyan ng government subsidy ang naturang ahensya.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Atty. Jil Bongalon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kinakailangan na maggamit ng Philhealth ang kanilang P600 billion reserve fund na matagal na panahon ng nakatengga sa account nito.

Aniya, kinakailangan rin na maayos ang lahat ng Philhealth packages upang mas mapabuti pa ang serbisyo sa lahat ng miyembro nito na nagbabayad ng kanilang kontribusyon.

Dagdag pa ng mambabatas na dapat na pataasin ang benepisyo na ibinibigay sa mga pasyente upang mabawasan ang kanilang medical bills dahil sa kasalukuyan aniya ay hindi maramdaman ang serbisyo nito.

Ayon pa kay Bongalon na hindi maipagkakaila na nagkakaroon ng kapabayaan ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. dahil sa hindi pagbibigay ng maayos na programa at serbisyo sa mga beneficiaries nito.