LEGAZPI CITY- Kumpiyansa ang isang mambabatas na malakas ang mga ebidensya upang mabilis na umusad ang ika-lawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malinaw ang grounds sa impeachment na betrayal of public trust kaya hindi na umano dapat pagkatiwalaan ang pangalawang pangulo.
Matatandaan na mahigit 70 ang naging complainants sa ikalawang impeachment complaints na mula pa sa iba’t ibang mga grupo at organisasyon.
Paliwanag ng mambabatas na kabilang sa kanilang pinagbasehan ay ang hindi tamang paggamit ng pondo ng bayan, pag-uutos ng mga mga inimbentong mga acknowledgement receipts, at pagyurak sa mandato ng kongreso sa hindi pagsagot sa mga pagdinig.
Iginiit ni Manuel na kampante sila na magiging mabilis ang pagdinig ng reklamo sa patas na pamamaraan lalo pa at hindi na bago ang mga akusasyon.
Kailangan umanong matapos ang impeachment proceedings bago ang Christmas break subalit sisiguraduhing hindi mamadaliin ang proseso at magiging patas pa rin.
Dagdag pa nito na ‘worth it’ ang sinimulang reklamo laban kay Vice President Duterte dahil hindi aniya dapat magtagal sa posisyon ang ganitong uri ng opisyal.