LEGAZPI CITY – Nagsisimula nang dumayo ang mga turista sa Donsol, Sorsogon para sa “close encounter” sa mga butanding na pamosong tourist attraction sa lugar.
Bago pa man umano dumating ang summer season, todo na ang paghahanda ng tourism office ng lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon information officer Dong Mendoza, mayroon nang ilang butanding na bumibisita sa karagatang sakop ng lalawigan na siya namang habol ng mga turista.
Nakatakda namang maglabas ng travel advisory sa iba pang mga destinasyon sa lalawigan habang paiigtingin rin ang pagpabatid sa publiko lalo na sa mga dayuhang turista sa pinangangambahang bagong coronavirus.
Subalit sa kabuuan, hindi naman tinitingnang makakaapekto ang ipinapatupad na hakbangin sa tourism industry ng lalawigan.
Inaasahang peak season ng butanding attraction ang Semana Santa at buwan ng Mayo.