
Mariing itinanggi ng Malacañang ang alegasyon na ginagamit nito ang usapin ng posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bilang panlilihis sa isyu ng pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco sa Estados Unidos.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi luma ang isyu sa ICC dahil patuloy itong lumulutang at posibleng lumabas anumang oras.
Si Dela Rosa mismo ang nagsabing ginagamit ang ICC issue upang ilihis ang atensyon sa kontrobersiyang may kaugnayan sa Unang Ginang.
Giit ng Palasyo, hindi sila ang pinagmulan ng isyung may kaugnayan sa umano’y pekeng ulat mula sa Beverly Hills Police Department.
Tinawag ni Castro na “propagandista” at “fake news peddlers” ang mga nagpapalaganap ng impormasyon laban sa administrasyon.
Tinuligsa rin ni Castro bilang “malaking kasinungalingan” ang ilang bahagi ng naturang police report na kumalat sa social media.