LEGAZPI CITY—Nagsagawa ng mala-konsiyerto na pagpupugay ang mga mag-aaral sa kanilang mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa isang paaralan sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Catanduanes State University Laboratory Schools Principal Prof Joerandy Tablizo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinatutuwa nila ang hakbang ng mga estudyante upang batiin ang mga guro kaugnay ng nasabing pagdiriwang.
Bago aniya ito nangyari, nakipag-ugnayan sa kaniya ang kanilang student body organization kung saan nais nilang tipunin ang mga guro sa conference room ng kanilang paaralan, alas-8 ng umaga noong Oktubre 2.
Dagdag pa niya, sinunod ng mga guro ang kanyang bilin at dito binasa ng student body organization, school officers at iba pang estudyante ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng mga video.
Bukod dito, gumawa aniya ng karagdagang efforts ang mga estudyante upang makahingi ng mensahe mula kina Senator Kiko Pangilinan, Senator Bam Aquino, Akbayan party-list Rep. Chel Diokno, gayundin sa kanilang Vice President for Academic Affairs Dr. Kristian Q. Aldea at University President na si Dr. Gemma G. Acedo.
Paglabas umano nila ng conference room, nagsimula nang magkanta ang mga estudyante na labis nilang ikinatuwa.
Ayon sa kanya ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong paghahanda sa kanilang paaralan.
Binigyang-diin ni Tablizo na mahalaga ang naturang aktibidad dahil nabibigyan sila ng pagkakataong maramdaman ang pagkilala at pagbibigay importansya sa kanila ng kanilang mga estudyante.
Samantala, pinasalamatan din ng opisyal ang kanilang student body organization at mga estudyante ng Catanduanes State University Laboratory Schools sa kanilang magandang tribute sa mga guro.
Pinasalamatan din ng opisyal ang kanyang mga kapwa guro sa kanilang hindi matawaran na lakas at dedikasyon sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
Mensahe naman nito sa lahat ng guro sa mundo na ipagpatuloy ang kanilang sinumpaang tungkulin na magsilbi sa mga kabataan.