LEGAZPI CITY – Tutol ang Makabayan Bloc sa plano ni Bise Presidente Sara Duterte na maging miyembro ng oposisyon.
Ngayong Linggo ng umalis na si Bise Presidente Duterte sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ang pagbaba sa pwesto bilang Education Secretary at Vice Co-Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Inanunsyo rin nito ang plano na maging miyembro ng oposisyon at kritiko ng adminisyon ni Pangulong Marcos.
Subalit sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, hindi maaaring bahagi ng oposisyon si Duterte dahil sa kawalan nito ng paninindigan sa mga lumalabas na isyu sa bansa.
Bilang miyembro umano ng oposisyon trabaho nilang tumutol sa mga nakikitang mali na ginagawa ng gobyerno, bagay na hindi kayang gampanan ni Duterte na palaging “no comment” sa mga isyu.
Binigyang diin pa ng mambabatas na posibleng ginagamit lamang ni Duterte ang opurtunidad na ito upang maisulong ang kanyang mga pansariling interes sa politika kagaya ng plano nitong maging susunod na pangulo ng bansa.
Pinuna rin ni Manuel ang mabilis na pagkasira ng UniTeam nina Bise Presidente Duterte at Pangulong Marcos na hindi man lamang inabot ng tatlong taon.