LEGAZPI CITY – Desidido ang Makabayan Bloc ng Kamara na mabawi ang P125 milyon na confidential at intelligence funds na nagastos ng opisina ni Bise Presidente Sara Duterte noong taong 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Partylist Representative France Castro, labag sa konstitusyon ang ginawa ng Bise Presidente na pagrequest at paggastos ng milyun-milyong pondo dahil hindi naman ito nakasama sa General Appropriations Act.
Kwestiyonable rin umano kung papanong nagawang magastos ang nasabing halaga sa loob lamang ng 11 araw.
Hiling ng kongresista na maibalik ng Bise Presidente sa kaban ng gobyerno ang nasabing pondo upang magamit sa mas importanteng mga bagay.
Kasama ang Makabayan bloc sa mga nagsumiti ng petisyon sa Supreme Court na nagkukwestiyon sa legalidad ng paglilipat at paggastos ng budget.