LEGAZPI CITY- Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pangamba ng publiko hinggil sa epekto ng matinding init ng panahon sa aktibidad ng bulkang Bulusan.
Ayon kay Bulusan volcano observatory resident volcanologist April Dominguiano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na walang mga pag-aaral ang magpapatunay na may direktang epekto ang mainit na panahon sa anumang active volcanoes.
Sa kabila nito ay nagkakaroon umano ng drying up lalo na kung posibleng magkaroon ng eruption.
Sa kasalukuyan, sinabi ng opisyal na patuloy pa rin ang pamamaga ng Bulkang Bulusan kaya nananatili ito sa alert level 1.
Ang kasalukuyang status ng bulkan ay nangangahulugan na posibleng magkaroon ng biglaan na hazardous phreatic eruption.
Dagdag pa ni Dominguiano na ang mga parametrong binabatayan sa Bulusan volcano ay konektado sa hydrothermal activities kaya nagpapatuloy ang kanilang obserbasyon.