LEGAZPI CITY – Wala nang takas sa mga otoridad ang drug suspect na matagal nang tina-timing na mahuli, matapos na masilo sa buy-bust operation sa Gate 1, Lucban St., Brgy. Bibincahan, Sorsogon City.
Inaresto ng pinag-isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sorsogon at Regional Office 5, kasama ang Sorsogon City PNP si Cedric Galit, 21-anyos na tubong Brgy Boton, bayan ng Casiguran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLtCol. Virgil Bibat, hepe ng Sorsogon City PNP, matagal nang binabantayan ang kilos ni Galit kahit pa newly-identified drug personality sa lugar subalit mailap sa mga transaksyon.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang sachet na laman ang marijuana na tumitimbang nasa 25 gramo o market value na P3,000 at isang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 50 grams at nagkakahalagang P340,000.
Isinailalim na ang suspek sa tactical interrogation sa pagtukoy sa source ng mga iligal na droga subalit hindi na nagbahagi pa ng ibang detalye ang hepe.
Mahaharap si Galit sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tinawag namang tagumpay ng pulisya at stakeholders ang nasabing operasyon lalo na sa pinaigting na kooperasyon at ugnayan ng mga barangay, komunidad at force multipliers upang tuldukan na ang problema sa iligal na droga.