LEGAZPI CITY- Arestado ang siyam na suspek sa pagpupuslit ng mga pekeng sigarilyo sa kadagatan ng Pio Duran, Albay.

Sa inisyal na report ng PNP, nagsagawa ng seaborne patrol operations ang Ligao Maritime Law Enforcement Team sa Brgy. Marigondon, Pio Duran, Albay kung saan nagresulta sa pagkakaharang ng isang bangka na kargado ng mahigit kumulang 500 na karton ng mga pekeng sigarilyo.

Tinatayang aabot sa P14, 720,000 pesos ang halaga ng mga pekeng sigarilyo ang narekober ng mga otoridad.

Sinubukan pa umanong tumakas ng mga suspek kung saan tinapon ang mga kahon-kahon na mga sigarilyo at tumalon sa kadagatan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Ligao MLET ang mga nakompiskang mga pekeng sigarilyo at mga suspek para sa maninigong disposisyon.