LEGAZPI CITY- Balik na sa normal ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan sa Bicol region matapos makapagtala ng stranded passengers dahil sa sama ng panahon.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Bicol Director Norman Laurio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinutukan nila ang pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Aghon.
Kabilang sa mga ito ang mga strandees sa lahat ng pantalan sa buong rehiyon na pinadalhan ng hot meals hanggang sa makapag biyahe na nag mga ito.
Batay sa tala, nasa mahigit P1.4 million na halaga ng asistensya na ang naipamahagi ng tanggapan sa lahat ng mga apektadong lokal na pamahalaan.
Ayon pa sa opisyal na patuloy pang magpapadala ng mga foodpacks sa mga lalawigan ng Catanduanes at Masbate upang makumpleto ang 10,000 na ideal stockpile sa naturang island provinces.
Dagdag pa ni Laurio na simula ngayong Mayo hanggang Disyembre ay inaasahan ang pagkakaroon pa ng sama ng panahon kaya inihanda na rin ng ahensya ang nasa P5 million na standby funds at tinatayang nasa 142,000 family food packs upang mapaghandaan ang iba pang mga kalamidad.