LEGAZPI CITY- Isinailalim na Psychological First Aid ang mga estudyanteng naapektuhan nang nangyaring bakbakan ng mga militar at mga rebeldeng grupo malapit sa mga eskwelahan sa probinsya ng Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mark Anthony Rupa, Chief DRRMO ng Schools Division Office ng Masbate, nasa 900 na mga estudyante ang natulungan sa isinagawang programa noong Abril 24 hanggang 26.
Prayoridad ng naturang Psychological First Aid ang mga estudyante sa mga eskwelahan na direktang naapektuhan ng insidente.
Kasama rito ang mga estudyante at kaguruan sa Villahermosa National High School at Villahermosa Elementary School sa bayan ng Cawayan; Arriesgado Sevilleno National High at Locso-an Elementary School sa bayan ng Placer.
Samantala, nitong, Abril 27 naman nang isagawa ang psychological first aid session sa mga personnel at mga guro sa nasabing mga eskwelahan.
Sa tulong ng registered guidance counselor at registered psychologist, nakita umanong ilan sa mga estudyante at guro ang nagpakita g mga senyales nang trauma.
Dahil dito, magkakaroon umano ng monitoring sa kondisyon at tinitingnan na rin ang referral sa psychiatrist o psychologist ng mga estudyante asin gurong nangangailangan.