LEGAZPI CITY – Umaabot na sa mahigit sa 800 na mga pasahero ang stranded ngayon sa mga pantalan sa rehiyong Bicol dahil sa sama ng panahon na dala ng Bagyong Aghon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense Bicol Spokesperson Gremil Naz, agad na nagpatupad ng no sail policy ang Philippine Coast Guard matapos na itaas ang tropical cyclone wind signal sa mga lugar sa rehiyon.
Karamihan sa mga stranded na pasahero ay mula sa Pio Duran port na daanan ng mga bumabiyahe papunta sa Visayas at Mindanao.
Aabot rin sa 200 na mga sasakyan ang nakapila ngayon sa mga pantalan at naghihintay na muling makabiyahe.
Mahigpit ang paalala ni Naz sa mga biyahero na huwag ng magpumilit pang bumiyahe ngayong masama ang lagay ng panahon at sumunod na lamang sa abiso ng mga awtoridad.
Nakabantay na sa ngayon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa mga baybayin upang matiyak na walang makakalusot na bumiyahe sa karagatan.