LEGAZPI CITY- Apektado ang 112 na mga eskwelahan sa limang mga bayan sa Masbate matapos ang naitalang talong sunod-sunod na engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at ng mga rebeldeng grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Martin Espayos, Division Information Officer ng SDO sa Masbate, nasa 31,764 na mga estudyante at 1921 na mga guro ang hindi pa makakapasok ng personal.

Ito ay dala ng ipanatupad na suspensyon ng mga lokal na pamahalaan dahil sa nangyaring mga pagsabog at putukan malapit sa mga eskwelahan na nag-iwan ng matinding trauma at takot sa lahat.

Kasama sa mga bayang nagpatupad ng ‘no face-to-face classes” ang bayan ng Cawayan, Dimasalang, Esperanza, Pio V Corpuz at Placer.

Kaugnay nito hindi pa nakikita ng ahensya na maibabalik agad ang pasok sa mga eskwelahan hangga’t hindi pa nagpapalabas ng abiso ang law enforcement agency na ligtas na ang nasabing mga lugar.

Dagdag pa ni Espayos kahit pa tatkong bayan lamang ang direktang nakaranas ng nasabing mga engkwentro ay nagpalabas na rin ng mga suspensyon ng pasok ang Esperanza at Pio V Corpuz bilang pre-emptive actions upang masigurong magiging ligtas ang lahat.

Samantala, sinabi ng opisyal na nakalatag na ang plano ng Department of Education na magsagawa ng Psycho-social first-aid o intervention sa lahat ng mga makikitaan ng sintomas ng trauma dahil sa mga insidente.

Kasama na rito ang mga estudyante, mga guro at magulang na nasa lugar nang mangyari ang mga bakbakan.

.