LEGAZPI CITY- Sisimulan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga paghahanda kaugnay ng inaasahang pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Ayon kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakahanda na ang mga hazard maps upang mas mabantayan ang posibleng maapektuhan ng pinangangambahang pagdausdos ng lahar.
Batay sa pinakahuling tala ng ahensya, mahigit 18 million cubic meters na umano ang nailabas ng Bulkang Mayon subalit hindi naman aniya nagkaroon ng malalakas na mga pag-ulan simula noong 2023 eruption.
Posibleng nananatili umano sa slopes ng bulkan an naturang mga deposits.
Kaugnay nito ay muling pinaalalahanan ni Alanis sa publiko na iwasan ang mga river channels ng Mayon volcano.
Samantala, pinawi naman ng ahensya ang pangamba ng publiko sa tumataas na rockfall events dahil wala naman aniyang nakitang indikasyon na mayroong umaakyat na magma.
Posibleng dahilan lamang umano nito ang instability ng lava o mga bato na inilalabas ng bulkan.
Dagdag pa nito na sa kasalukuyan ay mahaba-habang obserbasyon pa ang kinakailangan bago maibaba sa alert level 0 ang bulkang Mayon.