LEGAZPI CITY – Iniimbitahan ng lokal na gobyerno ng Legazpi ang publiko na makisabay at makisaya sa mga aktibidad ng Ibalong Festival 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Geraldine Rosal, hindi nito maitago ang kasiyahan na muling naisagawa ang Ibalong Festival na apat na taon rin na nakansela dahil sa COVID 19 pandemic at pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ngayon na nakabalik na ang aktibidad, tiniyak ng alkalde na gagawin ng lokal na gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang mas mapasaya ang mga aktibidad at maging sulit ang pagbisita sa lungsod.
Kasama sa mga aktibidad ng festival ay ang Grand Parade, Beer Plaza at Ibalong Epic Presentation.
Inaabangan naman ang Mutya ng Ibalong na isasagawa sa Agosto 16 at ang Streetdance Presentation sa Agosto 17.
Inaasahan na nasa 10,000 mga turista ang makikisabay sa nasabing mga aktibidad.