LEGAZPI CITY – Sumiklab ang magkasunod na armadong engkwentro sa pagitan ng mga militar at pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Bulusan, Sorsogon.
Nitong Miyerkules, Nobyembre 18 pa lamang nang unang magkasagupa ang dalawang panig sa Brgy. San Francisco kung saan tumagal ng hanggang 45 minuto ang palitan ng mga putok.
Habang nagsasagawa ng security operation ang tropa ng 31st Infantry Battalion, nakaharap ng mga ito ang nasa 20 NPAs.
Nakubkob ng militar sa nasabing operasyon ang 10 kubo at teach-in facility ng NPA kabilang na ang tatlong anti-personnel mines, 100-meter wire, at ilan pang gamit kagaya ng propaganda materials.
Muli namang nagkaharap ang mga ito sa isang engkwentro kahapon sa Brgy. San Jose, kung saan tumagal ng 40-minuto ang bakbakan.
Nagresulta pa ito sa pagkakakumpiska ng tatlong M16 rifles, isang M14 rifle, isang ingram, limang anti-personnel mines at mga radyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Infantry Division Public Affairs Office (DPAO) chief Capt. John Paul Belleza, inaksyunan ng tropa ang sumbong ng mga residente sa umano’y presensya ng armadong grupo na sangkot sa extortion activities.
Samantala, tinutukoy pa rin sa ngayon ang pagkakakilanlan ng rebeldeng nasawi sa engkwentro.