LEGAZPI CITY -(Update) Nagluluksa ngayon ang pamilya ng dalawang bata na inanod at nalunod matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa Donsol, Sorsogon.
Ayon kay Donsol MDRRMO head Bryan Santiago Garrido sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, noong Pebrero 4 ay naglalaro ang magkapatid malapit sa Donsol river, subalit dahil sa malakas na pag-ulan mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa ilog.
Dahilan upang aksidenteng matangay ng agos ng tubig ang dalawa hanggang sa malunod.
Matatandaang kumalat pa sa social media ang video ng mga tripulante ng MV Angelie na nakakita sa isang bangkay ng bata na palutang-lutang sa karagatang malapit sa Pio Duran, Albay, ngunit hindi kinuha at pinaanod lamang papuntang Burias Island.
Matapos na makarating sa lokal na pamahalaan ng Donsol ang impormasyon, agad na naglunsad ng retrieval operation sa Pio Duran subalit dahil sa lakas ng alon, hindi na naabutan ang bangkay ng bata.
Napag-alaman na sa pangatlong araw ng search operation, nahanap ng Donsol MDRRMO ang 12-anyos na bata na palutang-lutang sa Barangay Sugian, Donsol at nakumpirma ng pamilya na ito ang nawawalang bata na ilang araw ng pinaghahanap.
Matapos ang ilang oras, nakatanggap rin ng impormasyon ang Donsol MDRRMO na may isang bangkay ng bata na nakita ring palutang-lutang sa karagatang sakop ng Claveria, Masbate, kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard sa lugar at positibong nakumpirma na ito ang 7-anyos na batang kanilang hinahanap.
Nagdesisyon ang pamilya ng bata na ilibing na sa Claveria ang katawan nito dahil nasa stage of decomposition na.
Nagpaabot na rin ng pinansyal na tulong ang lokal na pamahalaan ng Donsol sa pamilya ng naturang mga biktima.
Una na ring sinabi ng Pio Duran MDRRMO na pinag-aaralan na nila kung anong reklamo ang posibeng kaharapin ng mga tripulante ng MV Angelie na nagpaanod sa bangkay ng isa sa mga nalunod na bata.