LEGAZPI CITY – Inaasahang darating na bukas ang enhinyero mula pa sa Maynila na mag-aayos ng nasirang exhaust duct ng biosafety cabinet ng Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory na nasira ng Bagyong Ambo.
Matatandaang nagdulot ng pagkaantala ng pagproseso ng higit 100 specimens at pansamantalang pagtigil ng coronavirus testing, ang pagkasira ng gamit
Sinabi ni Department of Health (DOH) Bicol Local Health Support Division chief Dra. Jannish Arellano sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang naturang enhinyero lamang mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang sertipikadong mag-ayos ng gamit.
Isasabak pa sa testing ng RITM ang exhaust duct upang makatiyak na hindi maglalabas ng negative pressure sa katabing rooms at walang ma-infect na mga medical techincians sa mga posibleng mailabas na mikrobyo.
Nabatid na nakakabit sa bubong ng laboratoryo ang naturang exhaust duct subalit nakausli na pinaniniwalaang nadala ng lakas ng hangin at ulan kaya’t tumagilid.
May parte umano sa duct na napunit at kinakailangang agad na mapalitan.
Samantala, hinihintay pa umano ng tanggapan ang ilalabas na resulta ng RITM sa nasa 146 specimens na ipinadala para sa COVID-19 testing matapos na masira ang naturang gamit.