LEGAZPI CITY- Nararamdaman ngayon sa lalawigan ng Albay ang mababang suplay ng isda kaya nagkaroon ng pagtaas sa presyo nito kasabay ng mataas na presyo ng tinapa o smoked fish.

Ito matapos umabot na sa halos P400 kada kilo ng tinapa sa ilang pamilihan sa lalawigan.

Matatandaan kasi na inirereklamo na ng publiko ang biglang pagtaas ng presyo ng isda at tinapa na mas nagpapabigat sa sitwasyon ng mga mamimili.

Ayon kay Albay Provincial Assistant Agriculturist Daryl John Buenconsejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nahihirapan ang mga mangingisda na makapaglayag dahil sa madalas na pagkakaroon ng masamang panahon sa lalawigan na dulot ng shear line.

Aniya, ang smoked tamban ay napanatili ang presyo dahil gawa ito sa lalawigan ng Albay subalit ang galunggong na tinapa ay tumaas talaga ang presyo dahil ang mga suppliers ay mula sa Sorsogon at Camarines provinces.

Kaugnay nito ay siniguro naman ng opisyal ang patuloy na monitoring sa mga palengke upang masiguro na hindi rin naaabuso ang sitwasyon lalo pa at apektado ang mga mamimili.