LEGAZPI CITY – Itinuturing na malaking tagumpay ng mga awtoridad ang pagkakadeklara na ng bayan ng Bulan at lungsod ng Sorsogon na malinis na sa iligal na droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDEA Sorsogon Provincial Officer Agent Adrian Fajardo, ang lungsod ng Sorsogon ang pinakaunang drug cleared city sa buong Southern Luzon.

Aniya, trinabaho ng tanggapan sa loob ng walong taon katulong ang iba pang law enforcement unit at ng komunidad ang naturang malaking accomplishment.

Ayon kay Fajardo, patunay lang ito na seryoso ang mga awtoridad sa pagsawata ng iligal na droga sa buong lalawigan ng Sorsogon.

Sa ngayon ay apat na munisipalidad na lang ang drug affected mula sa dating lima na kinabibilangan ng Donsol, Castilla, Irosin at Gubat.

Habang bumaba na rin sa lima ang bilang ng mga barangay drug affected mula sa pito matapos na dalawa ang bagong maideklara na malinig na sa iligal na droga mula sa bayan ng Bulan.

Binigyang diin ni Fajardo na posibleng magtuloy-tuloy na ang pagiging drug cleared ng buong lalawigan sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipagtulungan ng komunidad sa mga awtoridad.