LEGAZPI CITY – Dalawang bayan at lungsod sa Albay ang inirekomendang isailalim sa area of grave concern kaugnay ng papalapit na 2022 elections, ayon sa Albay Police Provincial Office.
Naisumite na sa Regional Joint Security Control Center (PJSCC) at Commission on Elections (COMELEC) ang mga lugar sa lalawigan na pinakatututukan sa nalalapit na halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCol. Byron Tabernilla, provincial director ng Albay PPO, inirekomendang isailalim sa “red category” o areas of grave concern ang Legazpi City, Daraga at Pioduran.
Pitong bayan at isang lungsod din ang nasa orange category o areas of immediate concern kabilang ang Camalig, Guinobatan, Jovellar, Libon, Manito, Oas, Tiwi at Ligao City.
Tatlo sa yellow o areas of concern at apat sa green category na indikasyon na walang security concerns.
Magko-convene pa naman umano ang COMELEC en banc sa magiging desisyon na batay sa qualifiers at parameters.
Samantala, nilinaw ni Tabernilla na nanatiling mapayapang lugar ang Albay at hindi nangangahulugang may insidente na agad ng karahasan kapag napapabilang sa areas of concern.
Cooperative naman umano ang mga kumakandidato sa local position sa lalawigan, ayon kay Tabernilla.
Mula nang ilatag ang checkpoints sa pagbabantay sa election-related violations, may pito na ring nahuli ang mga otoridad na lumabag sa election gun ban.