LEGAZPI CITY – Kinalampag ng isang kongresista ang pagtutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagbuo ng sistema na magpapadali at magbibigay ng credible input ng data sa sektor ng transportasyon.
Pinuna ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang hakbang ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagrequire sa mga public utility vehicles sa logbook para sa mas mabilis umanong contact tracing kung sakali.
Batay sa kautusan, kukunin ng driver ang pangalan at contact number ng pasahero na kung malabag ay mangangahulugan ng multang mula P5,000 hanggang P15,000 at kanselasyon o suspensiyon ng prangkisa batay sa Joint Administrative Order 2014.
Ayon sa kongresista, makaluma ang naturang sistema at maglalagay pa sa banta ng pagkahawa ng sakit sa mga pasahero at driver ang papasa-pasang logbook at ballpen.
Hindi rin umano makakatiyak kung totoo at credible ang impormasyon na ibinibigay ng mga pasahero.
Suhestiyon nito na gumamit ng technological solution kagaya na lamang ng qurantine color-coding at QR code habang masi-secure ng isang tanggapan ang makukuhang impormasyon.
Giit pa ni Garbin na hindi pa matukoy sa ngayon kung hanggang kailan magtatagal ang sitwasyon kaya’t mas maiging mabigyan na ito ng pangmatagalang solusyon.