LEGAZPI CITY – Ganap nang bagyo mula alas-2:00 kaninang madaling-araw ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Catanduanes at pinangalanan itong Tropical Depression “Pepito”.
Dakong alas-4:00 ng madaling-araw, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 820 km, silangan ng Virac, Catanduanes.
Kumikilos ito sa bilis na 20 km/h na tahak ang direksyon na west-northwest, dala ang hangin na malapit sa sentro na 45 km/h at pagbugso na 55 km/h.
Batay sa Severe Weather Bulletin #1 ng Bagyong Pepito na ibinaba ng DOST-PAGASA dakong alas-5:00 kaninang umaga, tatahakin nito ang direksyon na kanluran-hilagang kanluran patungo sa Northern Luzon-Central Luzon area.
Sa forecast track ng weather bureau, maari umano itong tumama sa kalupaan o mag-landfall sa eastern coast ng naturang lugar Martes ng gabi o madaling-araw ng Miyerkules at tutungo sa West Philippine Sea sa hapon o gabi ng Miyerkules.
Habang tumatawid sa kalupaan ng Luzon, posible umano itong lumakas pa habang nasa West Philippine Sea na maaring umabot sa severe tropical storm category pagdating ng Biyernes.
Magdadala ang naturang sama ng panahon ng mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay may malalakas na pag-ulan sa Quezon, Bicol Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangasamoro, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao Occidental, Sultan Kudarat, South Cotabato, at Sarangani.
Wala ring nakababalang Tropical Cyclone Wind Signals sa kasalukuyan.
Subalit posibleng mamataan ang malakas at may pagbugsong hangin sa ilang bahagi ng bansa gayundin ang mataas na mga alon sa karagatan kaya’t abiso ang pag-iingat sa mga may maliliit na sasakyang-pandagat.;