LEGAZPI CITY- Patuloy pa rin ang nararanasang pag-uulan sa probinsya ng Catanduanes, kun saan lubusang naapektuhan ang mga residente partikular na ang mga mangingisda at mga mag-a-abaca.

Dahil dito, isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan na makabuo ng alternatibong trabaho na magiging long term na solusyon tuwing nagkakaroon ng mga sama ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roberto Monterola, Operations Section Chief, PDRRMO Catanduanes, sobrang delikado umano para sa mga abaca farmers kung lalabas at susubukang magtanim at bumaba sa mga abaca farm lalo pa’t karaniwang madulas ang lugar tuwing umuulan, habang ang malalaking alon naman ang delikado para sa mga residenteng pangingisda ang hanapbuhay.

Maliban rito ay pinuproblema rin ang kawalan ng init ng araw, dahil hindi umano nabibilad ang mga abaca at hindi ito nagagamit para sa paggawa ng mga produkto.

Sa ngayon ay nagtatyaga umano sa pagsa-sideline sa iba’t-ibang trabaho ang mga residente sa probinsya uang magkaroon ng panggastos sa pang-araw-araw ngunit hindi umano ito sasapat.

Pagsulong ng ahensya, matulungan ang mga residente sa pamamagitan ng pamimigay ng Livelihood projects.
Samantala, hindi pa nadederipika ng PDRRMO ang impormasyon na nakarating sa kanilang opisina na nakarating umano sa bayan ng Garchitorena, Camarines Sur ang dalawang nawawalang mangngisda mula sa Pandan, Catanduanes.
Ngunit, kinumpirma naman ni Monterola na nakuha sa Caramoan ang motorboat na sinakyan ng nasabing mga mangingisda.