LEGAZPI CITY – Nagpapagaling na sa tinamong sugat ang isang senior citizen na biktima sa pananaksak sa Brgy. Bogtong sa lungsod ng Legazpi.
Kinilala ang biktima na si Justiniano Bea, 69-anyos habang ang suspek ay mismong kapitbahay nito na si Noel Toledo, 65-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Armando Toledo, sinasabing selos ang pinag-ugatan ng insidente.
Inaakusahan umano ni Toledo ang asawang babae na isa na ring senior citizen ng pagiging malapit kay Bea.
Salaysay ng barangay official, una nang lumapit sa barangay si Toledo upang idulog ang problema subalit hindi ito sumipot sa nakatakda sanang pag-uusap.
Nang muling magpaschedule ng pa-uusap ay hindi na rin umabot matapos na hindi na makapagtimpi ang suspek at undayan ng saksak sa tiyan si Bea.
Kusa namang sumuko sa barangay ang suspek dala ang ginamit na patalim.
Samantala, wala na rin umanong planong maghain pa ng reklamo ang pamilya ng kapitbahay na biktima sa insidente sakaling maisaayos ang gulo sa Lupon ng Barangay.