LEGAZPI CITY—Arestado ang isang wanted na lola sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Bagumbayan, Ligao City.


Ayon kay Ligao City Police Station Chief of Police, Police Lieutenant Colonel Herminio Olivares, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang lola na isang 69-anyos, biyuda, at walang trabaho.


Naaresto ang nasabing indibidwal dahil sa warrant of arrest para sa kasong Other Forms of Swindling sa ilalim ng Article 316 ng Revised Penal Code, na walang nirerekomendang piyansa.


Ayon sa opisyal, ang Other Forms of Swindling ay isang panloloko kung saan nakipagtransaksyon ang suspek at niloko nito ang kanyang katransaksyon.


Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Ligao CPS ang suspek para sa kaukulang legal na proseso.


Samantala, apela rin ni Olivares sa publiko na maging mapagmatyag sa anumang pakikipagtransaksyon at huwag subukang manloko dahil may kaukulang parusa ito sa ilalim ng batas.


Gayundin na dapat iulat sa kapulisan kung sakaling may kakilang indibidwal na mayroong warrant of arrest at ano mang mga kahina-hinalang aktibidad sa komunidad.