LEGAZPI CITY – Magpapatupad na ng mga pagbabago ang lokal na gobyerno ng Legazpi sa mga aktibidad ng Ibalong Festival ngayong taon.
Ito’y matapos na umabot sa 30 katao ang hinimatay sa Grand Parade na isinagawa nitong Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rolly Esguerra ang Chief ng Public Safety Office ng Legazpi, karamihan sa mga hinimatay ay dahil sa matinding init ng panahon, dehydration at sobrang pagod sa parada.
Upang maiwasan na ang ganitong insidente, plano ng lokal na gobyerno na mas agahan na lang ang isasagawang Street Dance Presentation sa Agosto 17.
Posibleng paikliin na rin ang oras ng parada at aayusin ang daloy ng trapiko upang mapadali ang pagpunta sa venue ng presentation.
Tiniyak naman ni Esguerra na gagawin ng lokal na gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang maiwasan na ang kaparehong insidente at maging mas maayos ang pagsasagawa ng mga aktibidad ng festival.