LEGAZPI CITY – Nagsasagawa na ng mga paghahanda ang lokal na gobyerno ng Camalig para sa paparating na La Niña na magdadala ng mga pag-ulan sa Pilipinas.

Kasunod ito ng naging anunsyo ng state weather bureau na natapos na ang El Niño season at papasok na ang panahon ng tag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tim Florece ang tagapagsalita ng lokal na gobyerno ng Camalig, nakapagsagawa na ng meeting kasama ang mga barangay officials at Local Disaster Risk Reduction and Management Office upang talakayin ang mga dapat na gawin bilang paghahanda para sa papaabot na tag-ulan.

Kasama sa mga tinutotokan ng lokal na gobyerno ang mga barangay na malapit sa ilog at bundok na delikado para sa mga pagbaha at landslide.

Nakabantay rin sa lugar na malapit sa Bulkang Mayon na posibleng maapektohan sakaling magkaroon ng lahar.

Target ng lokal na gobyerno ng Camalig na maabot ang zero casualty pagdating ng mga bagyo at iba pang mga kalamidad kung kaya ngayon pa lamang ay mahigpit na ang mga ginagawang paghahanda.