LEGAZPI CITY – Nagpatawag ng meeting si Legazpi City Mayor Noel Rosal sa mga namumuno sa 70 barangay sa lungsod ngayong araw, at hiwalay na pulong sa mga private stakeholders na apektado ng isyu ng coronavirus disease (COVID-19).
Kasunod ito ng ibinabang Executive Order No. 7 series of 2020 ni Albay Governor Al Francis Bichara na laman ang mga guidelines habang nasa banta ng COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, bahagi ng briefing ang kautusan sa mga government agencies; nagbabantay sa mga airport, seaport at terminals; business establishments; simbahan; Department of Health (DOH) at Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na maging alerto.
Nakabantay umano ang mga ito sa “worst case scenario” lalo pa’t itinaas ang alert system sa Code Red Sublevel 2 at idineklara ng World Health Organization (WHO) na pandemic ang virus.
Limitado rin ang pagbisita sa labas ng rehiyon at mandatory ang 14-day quarantine na sakop hindi lang ang mga residente kundi maging ang mga transients o turista.
Aminado si Rosal na handa ang mga ospital na kakayanin ang hanggang 100 na pwedeng ma-isolate subalit kukulangin ang test kits.
Localized lockdown sa bawat barangay din ang mangyayari kung may makumpirmang positibo sa sakit.