LEGAZPI CITY – Nagpaalala si Manito, Albay Municipal Councilor Marilou Dagsil sa mga kababayan na huwag basta-bastang maniniwala sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon partikular na sa social media.
Kasunod ito ng hinigpitang hakbang matapos na mabatid na may COVID-19 positive na bumisita sa lugar.
Pinakakalma ni Dagsil ang mga residente kasabay ng pagsasabing makinig sa mga opisyal na anunsyo mula sa mga otoridad, batay sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi.
Iginiit pa ni Dagsil na bilang chairman ng Sangguniang Bayan Committee on Health, tinitiyak umano nitong lahat ng ibinababang anunsyo ay mula rin sa mga health authorities na hinihingan ng update.
Abiso pa nitong palaging sumunod sa health protocols matapos na maobserbahan ang ilan sa mga kababayan na lumalabas ng walang facemask at hindi sumusunod sa polisiya sa backride.
Payo pa nito ang iba pang minimum health standards kagaya ng palaging paghuhugas ng mga kamay, social distancing at “stay at home” protocol.
Aniya, nagsagawa na rin ng public hearing para sa isinusulong na pagpapaigting ng ordinansa na ngayon ay nasa “second level” na.