LEGAZPI CITY – Aminado ang grupo ng mga mangingisda na nararamdaman na nila ang kakulangan ng suplay ng isda sa bansa.
Sinabi ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas President Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na patuloy ang pagkonti ng kanilang huling isda kaya lumiliit din ang kita ng mga mangingisda.
Ito umano ang dahilan ng patuloy na pagbagsak ng kabuhayan ng mga local fisherfolks.
Sinabi ni Hicap na matagal na itong problema subalit hindi nabibigyan ng solusyon ng pamahalaan, bagkus ay gumagawa pa ng mga programa na nakakasira sa mga palaisdaan.
Paliwanag nito na ang mga reclamation projects ang isa sa mga nakakasira sa bahura at tirahan ng mga isda kaya nakaka apekto sa mga fishing grounds.
Dagdag pa ng opisyal na tila walang pakialam ang pamahalaan na tanging naiisip lamang na opsyon ay ang pag-aangkat ng isda sa tuwing may kakulangan ng suplay sa bansa.