LEGAZPI CITY – Maglalaan ang bayan ng Camalig, Albay ng pondo upang masiguro na mananatili ang zero casualty na layunin ng bayan sa susunod na mga taon.
Sa isinagawang 3rd quarter full council meeting na pinangunahan ng Camalig Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), isa sa mga tinalakay ang patungkol sa Local Disaster Risk Reduction & Management Fund Investment Plan (LDRRMFIP) para sa taong 2025.
Nagkakaisang inaprubahan ng konseho ang plano na tututok sa pagpapalakas ng kahandaan at kakayahan sa pagtugon sa kalamidad ng bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tim Florece, Camalig Public Information Officer sinabi nito na kasabay sa plano ang pagdaragdag ng mga Closed-circuit television camera, deployment ng automated weather system, pagpapalakas ng 24/7 infocast o textblast services patungkol sa kalamidad na ginagawa na sa kanilang bayan at marami pang iba.
Dagdag pa ni Florece na magkakaroon din ng mga trainings, review at evaluation sa lahat ng Barangay Disaster Risk Reduction & Management para masigurong pare-pareho ang mga plano na nakadepende sa kondisyon ng kanilang area.
Samantala, pinag-usapan rin dito ang bagong likhang Livestock Emergency Guidelines and Standards kung saan layunin nito na masigurong protektado ang mga alagang hayop sa panahon ng mga kalamidad.