LEGAZPI CITY- Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng Department of Agriculture (DA) Bicol sa apat na mga bayan at isang lungsod matapos makapagtala ng panibagong kaso ng African Swine Fever.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DA Bicol Lovella Guarin, nagsagawa na ng depopulation na aabot sa 31 na baboy sa dalawang apektadong barangay sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Nagsisimula na rin umano ang kanilang pangangalap ng samples sa dalawang barangay sa bayan ng Baao, Camarines Sur upang matukoy ang bilang ng mga alagang baboy nahawaan ng naturang sakit.
Bukod pa rito, nakatakdang magsagawa rin ng city wide surveillance at culling sa probinsya ng Albay matapos na magpositibo ang 3 baboy na pag-aari ng isang hog raiser sa barangay Tastas sa lungsod ng Ligao.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa lokal na pamahalaan ng Pandan at Caramoran sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa napaulat na aktibong ASF case.
Sa ngayon ay siniguro ni Guarin na wala itong magiging direktang epekto sa suplay ng karneng baboy sa Bicol kasunod ng mga naiulat na kaso.
Mahigpit din umano ang implementasyon ng checkpoint entry sa Matnog, Sorsogon upang hindi makapasok ang mga kontaminadong karne na galing sa iba’t ibang rehiyon.
Sakali umanong makitaan ng mga sintomas ng ASF ang alagang baboy katulad ng panananamlay, pagkakaroon ng pantal, lagnat, at diarrhea ay agad itong ipaalam sa kaniya kaniyang Municipal Agriculture Office.
Makakatanggap naman umano ng limang libong piso ang mga maaapektuhan na magbababoy sa rehiyon.
Paalala na lamang ng opisyal sa hog raisers na paigtingin ang ipinapatupad na biosecurity at iwasan ang labas-pasok at hindi otorosidaong indibidwal sa mga piggery.
Samantala, umaasa naman si Guarin na makakatulong ang isasagawang roll out vaccination upang labanan ang ASF sa ikatlong kwarter ng kasalukuyang taon ng mga commercial piggery sa buong rehiyon. Hinihintay na lamang umano nila ang guidelines mula sa central office ng naturang ahensiya.