LEGAZPI CITY—Limang menor de edad mula sa Masbate ang nasagip ng mga awtoridad matapos umanong tangkaing i-recruit ang mga ito sa Pio Duran port sa bayan ng Pio Duran, Albay.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Pio Duran, Head, Noel Ordoña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isa sa mga kapatid ng mga bata na humihingi ng tulong upang mahanap ang nasabing mga menor de edad.
Ayon sa opisyal, ang limang menor de edad—tatlo rito ay mga babae at dalawa ay lalaki, ang ni-recruit umano upang magtrabaho sa Metro Manila.
Nagsagawa ng operasyon ang kanilang ahensya kasama ang Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Philippine Ports Authority sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office upang mahanap ang mga biktima.
Gayunman, hindi na nahahanap ang sinasabing recruiter na mula rin sa Masbate at pinaniniwalaang nakatakas ito.
Sa kasalukuyan, ay patuloy na binabantayan ng mga otoridad ang nasabing pantalan upang matiyak na hindi makaalis sa lugar ang naturang recruiter.
Samantala, nasa kustodiya na ng Pio Duran MPS ang nasagip na mga menor de edad gayundin na nakikipag-ugnayan na sa mga pamilya nito sa Masbate nang makauwi na ang mga biktima.