LEGAZPI CITY – Ipagpapatuloy ngayong araw ang search and rescue operations sa limang mangingisda mula sa Baras, Catanduanes na naiulat na nawawala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Baras MDRRMO Assistant officer Kenny Teston, lulan ng limang motorboats ang mga ito at pumalaot madaling-araw nang Disyembre 1.
Inaasahang makakauwi dakong alas-11:00 ng gabi sa kaparehong araw subalit bigong makabalik hanggang sa ngayon.
Kahapon, isa sa mga ito ang natagpuan sa Brgy. Malobago, Rapu-rapu, Albay kung saan na-rescue si Freddie Mingo ngunit missing pa sina Ronald Abarle, Dante Torrente, Melvin Babagay, Jerson Asis, at Jovel Torrente.
Nabatid na pabalik na sa Catanduanes ang mga ito nang maabutan ng malalaking alon sa karagatan kaya’t napahiwalay si Mingo sa mga kasamahan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Baras MDRRMO sa local DRRMs sa Samar sakaling napadpad sa lugar ang mga ito.
Batay kasi sa pahayag ni Mingo, posibleng napadpad sa Samar area ang mga kasama dahil sa direksyon ng hangin ng mawala ang mga ito.