LEGAZPI CITY – Pinalawak pa ng United Arab Emirates ang pagsasagawa ng rapid COVID-19 test sa mga residente na umaabot sa hanggang 10, 000 test sa bawat araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa OFW sa Dubai na si Honey Grace Peña na tubong Daraga, nilalayon ng naturang hakbang mula sa pamahalaan sa UAE na maabot ang lahat ng nais na magpasuri habang inaabot lamang ng 10 minuto ang libreng test.
Dahil dito, mabilis ring natutukoy kung may sakit ang indibidwal.
Maliban pa rito, nakalatag rin sa mga pampublikong daan ang mga teams na nagsasagawa ng pag-disinfect sa mga dumadaang tao at sasakyan.
Ayon kay Peña, pinapayagan naman ang mga residente na makalabas basta’t may hawak na quarantine pass na online rin makukuha.
Samantala para sa mga OFW sa UAE na apektado ngayon ang trabaho dahil sa lockdown, nagbibigay ang Philippine Embassy at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng $200 o P10, 000.