LEGAZPI CITY – Inaasahang darating na sa anumang oras ngayong linggo ang dagdag na ayuda ng Ako Bicol Party-list para sa proteksyon ng mga frontliners sa Bicol na humaharap sa coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co, maliban pa ito sa una nang tulong na ibinahagi ng grupo na mula sa mga private businessmen at foundations.
Kabilang rito ang 2,500 test kits; 42, 000 face masks; 1, 500 personal protective equipment (PPE) at 500 face shields maging ang disinfectants, electric at manual sprayer na sa ibang bansa pa in-order.
Dagdag pa ni Co na nagpapadala rin ang grupo ng pagkain sa mga frontliners sa Naga at Legazpi.
Sa kabila ng krisis na dala ng coronavirus, panawagan ni Co ang panalangin upang malabanan ang sakit.
Suhestiyon pa ni Co na posibleng may magandang resulta at pangkontra sa virus ang pagkahilig ng mga Bicolano sa pagkain ng maaanghang.