LEGAZPI CITY- Agad na nagpadala ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa lalawigan ng Batangas sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, 5,000 food packs ang paunang ayuda na madaragdagan pa.
Nasa limang ten-wheeler trucks ang naghatid ng unang 600 food packs sa lalawigan sa tulong ng Office of the Civil Defense Bicol.
Inisyatiba aniya ito ng ahensya kahit pa walang formal request na ibinigay upang agarang maipaabot ang pangangailangan ng mga evacuees.
Batid aniya ng ahensya ang sitwasyon ng naturang lugar lalo na’t ilang beses na rin itong naranasan sa Albay sa pag-aalburoto naman ng Bulkang Mayon.
Nag-setup na rin ng donor desk ang mga alkalde sa Bicol upang makakalap ng mga tulong at donasyon na ipapadala sa mga apektadong lugar.