LEGAZPI CITY – Nakatalaang magkaroon ng forum ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Legazpi at mga stakeholders upang mapag-usapan ang discretion sa pagsuspende ng pasok kapag mayroong sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Legazpi CDRRMO Head Engr. Miladee Azur, isasagawa ang nasabing forum sa susunod na linggo kung saan pag-uusapan ang DepEd Order no. 37 o Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Disasters and other Natural Calamities at Provincial Executive Order No. 2.
Layunin nitong mabigyan ng linaw sa mga stakeholders ang nakapaloob na guidelines sa nasabing direktiba.
Kabilang na rin ang mga hakbang na gagawin sa natatanggap na mga reklamo patungkol sa pagsususpende ng pasok sa kada Local Government Unit.
Ani Azur, hindi pupwedeng basta-bastang magsususpende ng pasok ang lokal na pamahalaan lalo na kung localized lang ang nararanasang pag-uulan.
Halimbawa na lamang umano ay sa Barangay Rawis na kaonti lamang ang pag-ulan ngunit nagkaroon pa rin ng pagbaha kung kaya’t discretion na lamang ng paaralan kung kakanselahin ang pasok.
Lalo pa’t sa advisory lang umano ng PAGASA bumabase ang lokal na pamahalaan sa class suspension.
Abiso ni Azur na kung nakikita na delikado para sa mga estudyante na pumasok sa mga eskwelahan, nasa magulang na ang desisyon kung papapasukin ang mga bata.
Dagdag pa ng opisyal na kung laging susupendihin ang pasok kapag nagkakaroon ng pag-ulan ay siguradong sa loob ng isang buwan, dalawang linggo na lamang makakapasok ang mga estudyante.