LEGAZPI CITY—Nais ngayon ng mga opisyal ng Barangay 28 Victory Village North, Legazpi City na palawakin ang kaalaman ng mga residente hinggil sa leptospirosis dahil sa mga nararanasang pag-uulan sa lugar.


Mababatid na noong nakaraang taon dalawang kaso ng naturang sakit ang naitala sa nasabing barangay kung saan isang residente ang namatay dahil dito.


Ayon kay Victory Village North Brgy. Kagawad John Carlo Arteta, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tiniyak ng kanilang mga barangay officials na maipakalat ang mga impormasyon tungkol sa sakit sa pamamagitan ng pagpo-post sa kanilang social media.


Giit ng opisyal na kailangang magkaroon ng kamalayan ang mga residente tungkol sa leptospirosis lalo na sa panahon ng tag-ulan dahil hindi maiiwasang sila ay lumusong sa baha.


Dagdag pa ni Arteta, naka-standby ang kanilang mga kagamitan na magagamit sakaling magkaroon ng mga emerhensiya lalo na kung may binabantayang sama ng panahon.


Aniya, ang Purok 1 ang pinakaapektado ng pagbabaha kaya tiniyak nilang maililikas ang mga residente rito sakaling tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar.


Samantala, pinayuhan din ni Arteta ang mga residente ng kanilang barangay na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang anumang panganib partikular na sa panahon ng kalamidad.