File Photo. Legazpi City Abbatoir

LEGAZPI CITY – Naka-“heightened alert” na rin ang slaughter house ng lungsod ng Legazpi kaugnay ng pagbabantay sa banta ng African Swine Fever (ASF).

Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Provincial Veterinary Office ng Albay na may ilang baboy na mula sa Bombon, Camarines Sur at positibo sa ASF, ang nakapasok sa Daraga.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Emmanuel Estipona sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ino-obliga ang mga nagpapakatay ng baboy sa slaughter house na magpresenta ng barangay clearance.

Ito ay upang makatiyak na hindi mula sa limang barangay ng Daraga na apektado ng ASF ang mga dinadalang baboy sa slaughter house ng lungsod, kabilang na ang Kilicao, Malobago, Tagas, Binitayan at Alcala.

Malinis aniya at maganda ang pasilidad sa lungsod kaya’t matindi ang ipinapatupad na mga hakbangin upang walang makalusot na may ASF.

Inilatag na rin ang 1-kilometer radius checkpoint mula sa slaughter house at gumagamit ng laser gun thermometer sa pag-inspeksyon ng mga temperatura ng dinadalang baboy.

Nagpatawag rin ng emergency meeting sa mga meat vendors upang ihayag ang mga estratehiya sa pag-iwas sa sakit at mapanatiling “ASF-free” ang lungsod.