LEGAZPI CITY- Nagpaliwanag ang Legazpi City Public Safety Office sa ginawang pag-clamp ng mga sasakyan sa kasagsagan ng graduation ceremonies sa Bicol University kahapon.
Ito matapos ulalin ng pagpuna ang tanggapan dahil sa umanoy kawalan ng konsiderasyon.
Ayon kay Legazpi City Public Safety Office head Rolly Esguerra sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ginawa nila ang wheel clamping upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko sa harap ng naturang unibersidad.
Paliwanag ng opisyal na kung magbibigay ng konsiderasyon ay siguradong masasanay ang mga ito sa paglabag sa ordinansa ng lungsod hinggil sa pag-obstruct ng mga kalsada.
Nilinaw naman ni Esguerra na mayroon silang koordinasyon sa Bicol University kaya naglatag ng mga designated areas kung saan lamang papayagan ang pag-park ng mga sasakyan.
Ito umano ang dahilan kaya nag-assign sila ng mga special duty sa malapit sa unibersidad upang pamahalaan ang traffic control.