LEGAZPI CITY- Inilunsad ng Legazpi City Veterinary Office ang bagong ordinansa upang maaksyunan na ang problema ng lungsod sa mga dumarami at pakalat-kalat na mga aso sa kalsada.

Ito ang B.R.O.D. Program o Barangay Responsible Owners of Dog na layuning maitulak ang tamang pag-aalaga sa mga aso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Manny Estipona, Legazpi City Veterinary Office, malaki ang paniniwala ng opisina na ang problema sa mga stray dogs at kaso ng rabies ay ang mga irresponsable mga nagmamay-ari.

Dahil dito mas pinalakas pa ng ahensya ang kampanya mawala na ang mga asong pakalat-kalat sa kalsada lalo pa’t limang problema ang madalas nitong hatid sa komunidad.

Kasama na rito ang delikadong kagat ng nasabing hayop, pagiging hadlang sa daan at motorista, nagiging rason ng mga aksidente sa kalsada, nagdadala ng rabies at nakakaapekto pa umano sa turismo sa lungsod.

Sa ilalim ng bagong ordinansa nakatalaan na magsanib pwersa at makiisa ang mga Barangay at ang mga lokal na pamahalaan upang matapos na ang problema.

Ang sinuman umanong hindi susunod at patuloy na magpapabaya sa mga alagang aso ay titicketan at bibigyan ng kinakailangang parusa.
Panawagan ni Estipona, magin responasable na lamang na dog owner upang wala ng problema.