LEGAZPI CITY – Patuloy at mas pinapalakas ng Legazpi City Task Force Kaayusan at Kalinisan katulong ang Public Safety Office (PSO) at kapulisan upang maisagawa ang mga hakbang at aksyon laban sa problema sa illegal parking sa mga kalsada sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Legazpi City Task Force Kaayusan at Kalinisan Mark Andy Marbella, paulit-ulit na lang umano ang problema sa illegal parking sa paligid ng lungsod lalo pa’t nakakain na pati daan na para sa mga sasakyan.
Isa ito sa mga tinuturong dahilan ng buhol-buhol na trapiko tuwing rush hour, nagiging rason din ng ilang mga aksidente at nakakaabala pa sa ilang mga motorista at komyuter.
Inamin naman ni Marbella na nahihirapan sila sa pabalik-balik na problema kung kaya’t mas palalakasin pa nila ang isasagawang clearing operations sa mga kalsada.
Layunin nitong mabigyan nang mas malawak na daan ang mga sasakyan at maalis na ang mga sasakyang nagiging sagabal sa daan lalo na kung may mga kailang respondihang mga aksidente at iba pang emergencies.
Ngunit ani, Marbella, hindi ito magiging matagumpay kung walang kooperasyon mula sa publiko at mismong mga opisyal ng barangay na dapat sana ay nangunguna sa pagsagot sa nasabing problema.
Samantala, nag-abiso naman ang opisyal sa patuloy na lalabag sa anti-illegal parking na mayroong kakaharaping multa at penalty.
Panawagan pa nito sa mga may-ari ng mga sasakyan na sumunod sa batas, dahil para rin umano ito sa ikabubuti ng lahat.