LEGAZPI CITY – (Update) Mismong ang Legazpi City PNP na ang nagsampa ng kaso laban sa Bicolano vlogger na nagsagawa ng prank na mistulang nahimatay sa isang mall sa lungsod.
Inihain ang reklamo sa pamamagitan ng regular filing sa City Prosecutor’s Office sa lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provicial Police Office spokesperson PCapt. Dexter Panganiban, pormal nang sinampahan ng criminal complaint na ‘Alarm and Scandal’ ang suspek na si Marlon de Vera o mas kilala sa tawag na Uragon Vlogger.
Una na ring inatras ng mall management ang kaso laban kay de Vera subalit iginiit ni Panganiban na itinuloy ang pagsasampa ng kaso upang hindi na ito pamarisan ng iba.
Aniya, seryosong usapin ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease.
Sa naunang panayam kay de Vera, nilinaw nitong parody sa nangyari sa lasing na Koreano sa Parañaque ang ginaya at hindi nCov subalit giit ni Panganiban na maging aral sa lahat ang nangyari kay de Vera na huwag lumikha ng eksenang magdudulot ng panic sa publiko.
Samantala, agad naman aniyang aarestuhin ng mga otoridad ang mga nagbabalak pang magsagawa ng mga prank na kagaya nito.