LEGAZPI CITY – Naglaan na ng P200 million ang lungsod ng Legazpi para sa target na bibilhing bakuna sa COVID-19.
Pagbabahagi ni Mayor Noel Rosal sa Bombo Radyo Legazpi, nakausap na ang local finance committee ng lungsod para sa hakbang at inihahanda na ang naturang halaga.
Subalit kulang pa ito upang maabot ang nasa P700 million na kailangan upang mabakunahan ang priority o targets.
Huhugutin na lamang ang kulang sa pamamagitan ng pag-utang kung papayagan, depende sa resulta ng pulong sa Enero 12.
Kabilang sa mga prayoridad ang frontliners sa gobyerno at health sector, indigent senior citizens, uniformed personnel at remaining indigent population.
Ayon pa kay Rosal, pagsisiguro lang ito lalo pa’t hindi kasama ang lungsod sa mga priority areas sa Pilipinas na unang mabakunahan.
Ipinangangamba ni Rosal na abutin pa ng isang taon ang paghihintay kung hindi pa makakakuha ng bakuna.