LEGAZPI CITY- Naglaan ng P1.8 million na pondo ang city government ng Legazpi para sa pagbibigay ng bakuna sa mga alagang hayop upang maiwasan ang mga kaso ng rabies.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinarian Dr. Emmanuel Estipona, nananatili pa rin ang rabies na isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng maraming tao sa mundo.

Kaya mahalaga aniya na mabigyang pansin pa rin ang usaping ito kahit nasa gitna ng COVID-19 pandemic.

Hinihikayat ni Estipona ang mga residente na mapaturukan ng anti-rabies ang mga alagang aso para rin sa kaligtasan ng mga nakapaligid dito.

Maglilibot ang team ng veterinary office upang mamigay ng bakuna para sa nasa 23,000 na mga aso sa lungsod.

Nanawagan rin ito na maging responsableng amo ng mga alagang hayop at huwag pabayaang lumabas ng bahay upang makaiwas na makakagat at magdulot ng aksidente.