LEGAZPI CITY — Nangako si Legazpi City Mayor Noel Rosal na walang mangyayaring whitewash at magiging tapat ang imbestigasyon sakaling makapagdesisyon na ang nagrereklamong panig sa isyu ng umano’y pananakit ng isang baguhang kongresista.
Kasunod ito ng viral video ng umano’y pananapak ni Ang Probinsiyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos sa isang crew ng food chain sa lungsod na kinilalang si Christian Kent Alejo, 20-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, nagkausap na umano sila ni PLt/Col. Aldwin Gamboa, hepe ng Legazpi City PNP ukol dito subalit “for record purposes” pa lamang umano ang naisasagawang aksyon.
Malinaw aniya ang kaniyang direktiba sa pulisya na walang papanigan o dedepensahan kahit elected official pa ang sangkot.
Giit naman ni Rosal na hindi makakausad ang anumang reklamo kung walang complainant kaya’t kailangang mismong ang crew na si Alejo ang dapat na maghain nito.
Tiniyak naman ng alkalde na maiging pakikinggan ang dalawang panig upang maayos na maresolbahan ang isyu.