LEGAZPI CITY – Itinuturing na paniagong pagsubok Legazpi City Mayor Noel Rosal ang muling pagpalawig ng Enhanced Community Quarantine sa Albay hanggang Mayo 15.
Ito matapos aprubahan ni pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang pagkategorya sa mga lugar na nasa high-risk, mild o moderate risk at low-risk.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Rosal na kailangang igalang ang pasya ni Duterte sa pagkakabilang ng lalawigan sa high risk.
Nauunawaan umano ng alkalde na ginawa ang hakbang bilang preventive measure sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease.
Dahil dito, iginiit ni Rosal na nangangailangan ang lokal na pamahalaan ng paghahanda upang hindi magutom ang mga residente.
Ibinunag pa ni Rosal na nag-iipon ngayon ang City Government ng Legazpi ng 35, 000 na sako ng bigas upang makapagbahagi ng tig-kalahating sako sa mga nasasakupan.
Matapos ang ikalawang round ng pamimigay sa lungsod, tatanggalin muna ang pamimigay ng delata at tututukan ang pagbili ng bigas.
Samantala, handa narin ang Legazpi ayon kay Rosal dahil mayroon nang isolation center at test kits habang may inihahanda pang pasilidad bilang preparasyon sa “worst-case scenario”.